Natawa minsan ang kaibigan ko nang tinanong niya ‘ko kung napanood ko na ang “The Sacrifice” ni Andre Tarkovsky at sinagot ko siyang nasa kalagitnaan na’ko. Manghangmangha siya na pinuputol ko ang mga pelikulang pinapanood ko depende sa pakiramdam ko. Ako naman, gulat na may ganito siyang pananaw, na dapat isang upuang panoorin ang isang pelikula. Pagkatapos naming magusap, nagpadala agad ako ng mensahe sa isa ko pang kaibigan. Ang tanong ko, “weird ba na hindi ko tinatapos sa isang upuan ang pelikulang pinapanood ko?”


Ang pananaw ni Scandura, gasgas na ang argumentong kailangang tapos ang piyesa upang masabing literatura ito. Ang borador ay tapos na o may angking katapusan sa bawat sandaling umiiral ito. Buhay ito at puno ng potensyal. Maari pang magbago maski mukhang tapos na talaga, hindi pa rin. Ang cliche na ang likhang sining ay parang anak na kapag iniluwal na ay binabayaan na ay hindi totoo. Hindi kami naguusap ng tatay ko ngayon dahil ganito ang pananaw niya tungkol sa pagiging ama.


Itinigil ni Junot Diaz ang pagsusulat ng The Brief Wondrous Life of Oscar Wao, ang una niyang nobela. Sampung taon niyang itinago ito sa cabinet. Pagbalik niya nanalo ito ng Pulitzer.